Home OPINION PAGSANG-AYON NG LGU KAILANGAN NG NAT’L GOV’T PROJ. BAGO ISAGAWA

PAGSANG-AYON NG LGU KAILANGAN NG NAT’L GOV’T PROJ. BAGO ISAGAWA

332
0

SINABI ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na ipababalik niya ang dating patakaran kung saan kailangang kumuha muna ng pagsang-ayon mula sa mga local government unit (LGU) bago isagawa ang mga proyektong pinopondohan ng pambansang pa­mahalaan.

Sa kanyang pag-inspeksyon sa Kennon Road, binatikos ng Pangulo ang isang Php 114.18 million rock netting project sa Sitio Camp 5, Barangay Camp 4, Baguio city, na inakusahan niyang overpriced at isinaga­wa nang walang konsultasyon sa LGU.

Ayon sa kanya, ang halaga ng materyales ay Php 3,200 la­mang kada metro kuwadrado ngunit siningil sa pamahalaan ng higit Php 12,000.

Tinuligsa rin niya ang Php 264 million rock shed project sa parehong kalsada na sinimulan noong 2023 at natapos nito lamang April 2025, ngunit nasira agad matapos ang pananalasa ng Bagyong Emong at malakas na Habagat.

“Ang problemang ito, Php 264 million na parang itinapon lang sa ilog. Walang silbi,” mariing pahayag ni Pangulong BBM, matapos masira ang slope pro­tection at gumuho ang pundas­yon ng proyekto.

Binigyang-diin ng Pangulo na ang muling pagbabalik ng LGU approval ay magtitiyak na maa­yos at makabuluhan ang mga pro­yekto dahil mas alam ng mga lokal na opisyal at residente ang tunay na pangangailangan at kalidad ng mga imprastruktura.

Samantala, iniulat din ni Baguio City mayor Benjamin Maga­long kay Pangulong BBM ang iba pang mga overpriced at sira-sirang proyekto sa Cordillera Administrative Region, kabilang ang solar lights, roller barrier systems, cats eye, at safety devices.

Ibinahagi ng Pangulo na noong gobernador pa siya ng Ilocos Norte, aniya’y standard operating procedure (SOP) na dumaraan muna sa acceptance ng LGU ang mga proyekto bago pormal na i-turn over. Layunin nitong tiyakin na nakabatay sa pangangailangan ng komunidad at dumaraan sa araw-araw na inspeksyon ng lokal na pamahalaan.

Ang hakbang na ito ni Pangulong BBM ay maaaring magbunsod ng reporma sa Department of Public Works and Highways at iba pang ahensiya, at posib­leng magdulot ng pagbabago sa sistema ng procurement at kontrata upang mabawasan ang ka­tiwalian.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here