MANILA, Philippines – Iginiit ni Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na transparent ang mga proyekto sa lungsod matapos kwestiyunin ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. ang pondo para sa flood control.
Matapos bisitahin ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Baste na sinagot na ng kapatid niyang si Rep. Paolo Duterte ang usapin.
“Transparent naman ang kapatid ko at ang DPWH kung gusto nilang tingnan. Wala kaming problema diyan. Kayo ang may problema. Tingnan niyo ang sarili niyo,” aniya.
Nauna nang sinabi ni Rep. Paolo Duterte na maayos na naisagawa at natapos ang lahat ng proyekto sa kanyang distrito, at inatasan ang DPWH na ilabas ang records.
Binigyang-diin ni Baste na may sariling flood control plans ang Davao City ngunit kulang ang lokal na pondo, kaya’t kinakailangan ng pamumuhunan mula sa national government para sa malalaking proyekto. Binatikos din niya ang administrasyon dahil umano sa kakulangan sa infrastructure development. RNT