Home NATIONWIDE Pinoy doctor, pinarangalan sa Malaysia para sa husay sa serbisyong medikal

Pinoy doctor, pinarangalan sa Malaysia para sa husay sa serbisyong medikal

244
0

MANILA – Pinarangalan ng medical community ng Malaysia si Dr. Nemencio A. Nicodemus Jr., propesor mula sa University of the Philippines Manila, dahil sa kanyang natatanging ambag sa serbisyong klinikal, pananaliksik, at pamumuno.

Sa seremonya noong Agosto 22 na dinaluhan ni dating Prime Minister Mahathir Mohamad, iginawad ng Academy of Medicine Malaysia kay Nicodemus ang Diploma of Fellowship, kasama ang 18 pang doktor mula sa Singapore, India, Hong Kong, at Australia.

Ayon sa UP Manila, dagdag na prestihiyo ang parangal sa internasyonal na pagkilala kay Nicodemus, na una nang ginawaran ng fellowship ng Indonesian Society of Internal Medicine at College of Physicians Malaysia.

Nagtapos siya ng medisina sa UP Manila noong 1995 at nagsanay sa internal medicine at endocrinology sa UP-Philippine General Hospital. Sa kasalukuyan, siya ay Professor 8 sa UP College of Medicine at chair ng Department of Biochemistry and Molecular Biology.

“This recognition builds upon a continuing tradition of international respect,” ani Nicodemus, na nagpapaalala sa mga batang doktor na ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi natatapos sa pambansang parangal kundi sa patuloy na kontribusyon sa mas malawak na medical community.

Itinuring ng UP Manila na ang fellowship ay patunay ng misyon ng unibersidad na magluwal ng mga doktor na hindi lang mahusay sa klinikal na serbisyo kundi maging lider sa edukasyon at pananaliksik sa larangan ng kalusugan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here