Home NATIONWIDE Malawakang imbestigasyon sa mga sindikato sa DPWH, isinusulong ng solon

Malawakang imbestigasyon sa mga sindikato sa DPWH, isinusulong ng solon

284
0

MANILA, Philippines – Ngayong nagbitiw na si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan ay isinulong ng isang kongresista ang malawak na imbestigasyon sa sindikato sa loob ng DPWH at mga kasabwat sa mga palpak na flood control projects.

Pinuri ni Kamanggagawa Partylist Rep. Elijah “Eli” San Fernando ang pangulo nang tanggapin nito ang pagbibitiw ni Bonoan ngunit hindi aniya dapat mahinto ang usaping ito sa halip ay masiyasat ang umano’y organisadong sabwatan ng mga sangkot na opisyal ng DPWH maging ang mga contractors at mga political backers sa Kamara at Senado.

“I commend President Marcos for accepting Bonoan’s resignation. Pero malinaw: resignation is not enough. Panahon na para simulan ang imbestigasyon sa sindikatong bumabalot sa DPWH at tunay na may mapanagot. Hindi pinanganak kahapon ang mga kababayan natin para maniwalang walang magkakasabwat sa malawakang korapsyon na ito. Kailangang may kasunod na malawak at malalim na imbestigasyon. Managot ang dapat managot. Pagulungin ang ulo ng mga contractor at mga protektor nilang pulitiko,” giit pa ni San Fernando.

Binigyang diin ng mambabatas na dapat may managot sa mga palpak na proyekto na nagresulta na sa malawakang pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Hindi kaya ng kahit isang opisyal na mag-isa ang ganitong klaseng well-orchestrated na korapsyon. Malinaw na may sindikato sa loob ng DPWH, kasabwat ang mga contractors,DPWH officials, COA officials, Congressmen at mga Senador. Lahat ng mapatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan ay dapat kasuhan at ikulong.”

Inudyukan din ni San Fernando ang gobyerno na isyuhan ng hold departure order ang mga DPWH officials mula sa Kalihim nito hanggang sa mga regional directors at district engineers maging retirado man ang mga ito upang matiyak ang accountability.

Nais din ng kongresista na maisapubliko ang resulta ng lifestyle checks, SALN audits, at pagsiyasat sa bank accounts ng mga DPWH personnel na sangkot kasama ang mga may-ari ng mga blacklisted na contractors na isinasangkot o kasangkot sa mga maanomalyang proyekto sa baha.

“Kung seryoso si PBBM na resolbahin ang isyu ng korapsyon, itodo na niya! Huwag palusutin ang mga opisyal at contractor na yumaman sa pandarambong. The people want their heads. Pagulungin ang ulo ng mga walanghiyang umuubos at nagnanakaw sa kaban ng bayan!.”

Hamon pa ni San Fernando sa pangulo na, “hawak mo ang buong makinarya ng gobyerno. Kung wala kang mapanagot dito, katawa-tawa ang administrasyon mo. Seryosohin mo ito, Mr. President dahil galit na ang taumbayan. Hindi sapat ang pagpaparada mong galit ka sa kurap. Ang tunay na sukatan ng hustisya ay kapag ang malalaking taong nasa likod ng pandarambong ang iyong mapakulong. Doon lang maiibsan ang galit at sigaw ng hustisya ng mga mamamayan.”

Samantala, kinumpirma ni Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon, Co-Chair ng House Infrastructure Committee na inimbitahan sa pagdinig bukas, Martes si Bonoan kahit ito ay nagbitiw na sa pwesto maging ang bagong DPWH Secretary Vince Dizon. Meliza Maluntag

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here