Bulacan – Arestado ang isang lalaking nagbenta ng baril sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Balagtas nitong Agosto 31.
Sa report ni PMAJ Mark Anthony San Pedro, Acting chief of police ng Balagtas police station, kinilala ang suspek na si alyas “Jerome”.
Ayon sa report, isinagawa ang operasyon kontra sa pagbebenta ng iligal na baril bandang 12:20 ng madaling araw sa Brgy. Borol 1st.
Nabatid na nang tanggapin ng target ang P1,000 bilang bayad sa isang Caliber .38 revolver ay agad siyang inaresto ng mga awtoridad sa lugar.
Huli rin ang carnapping suspect na si alyas “Raf” nang tangayin ang isang Yamaha Mio na iniwan ng may-ari sa harapan ng kanyang tindahan sa Brgy. Tibag, Baliwag City sa kaparehong petsa.
Sinasabing sa tulong ng CCTV footage at impormasyong ibinigay ng kaanak ng suspek ay natunton ito ng mga pulis sa isang Bingo boutique kaya tuluyang naaresto.
Kaugnay nito, limang indibiduwal ang naaresto nang mahulihan umano ng iligal na droga sa magkakahiiwalay na buy-bust operation ng San Rafael, San Ildefonso, San Miguel at Bustos police station.
Nakumpiska operasyon ang nasa 19 sachet na hinihinalang shabu na may halagang P87, 040 kasama ang buy-bust money.
Nahaharap ang mga naarestong suspek habang nakakulong sa istasyong humili sa kanila. Dick Mirasol III