BINALBAGAN — Sa halip na sa paaralan, kulungan ang kinasadlakan ng isang guro matapos madakip ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA Regional Office–Negros Island Region sa Sitio Tapok, Barangay Enclaro, noong Linggo.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jof,” 42, residente ng nasabing barangay, guro, at may-ari umano ng isang resto-bar. Siya ay kabilang sa high-value target list.
Nakuha mula sa suspek ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu, kabilang ang buy-bust item, na tumitimbang ng humigit-kumulang 25 gramo at may halagang ₱170,000.
Ayon kay Police Captain Joelan Vinzon, hepe ng Binalbagan Police, nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Mary Anne Sapico