MANILA, Philippines – Plano ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na muling buhayin ang Manila Skate Park upang magkaroon ng ligtas na lugar ang mga batang nahuhumaling sa skateboarding.
Ayon kay Yorme Isko, matagal na umanong hinihirit ng mga lokal skaters na magkaroon muli ng skate park sa Maynila makaraang gibain ang Canonigo Sports Complex na dating kilala bilang Manila Skate Park sa Quirino Avenue Ext. sa Paco.
Nito nga lamang nakaraang Sabado, nabanggit ni Domagoso ang kanyang plano na buhayin at itayong muli ang Manila Skate Park kay Manila 5th District Representative Irwin Tieng kung saan nangako ito na tutulong upang maisakatuparan ang proyekto..l
“‘Yung mga atabs kung saan-saan nag-iiskate. Baka puwede natin ibalik ‘yung skate park kasi kawawa naman,” saad ni Mayor Isko sa pulong nila ni Cong. Tieng.
Binigyang diin pa ng alkalde na ang pagbuhay muli sa skate park ay dahil sa pagsisikap niyang mamuhunan sa kabataan at mapaunlad ang palakasan na magtataguyod sa aktibong istilo ng kanilang pamumuhay, pagkamalikhain at magandang pagsasamahan ng komunidad. JAY Reyes