CAVITE, Philippines – Isang Administrative Aide ng Land Transportation Office-Sabang branch ang nahaharap sa kasong Grave Threat at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos hulihin ang dalawang motorista, ngunit hindi nag-isyu ng citation ticket, at tinutukan pa ng baril ang isa sa biktima sa Dasmarinas City.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas Gilbert, 39, Administrative Aide ng LTO-Sabang dahil sa reklamo nina alyas Demi, 28, alyas Gemma, 48 at alyas Ringquel, 43.
Ayon sa report, hinuli ng suspek ang mga biktima bandang alas-5:39 kamakalawa ng hapon at kinumpiska ang kanilang mga dokumento (OR/CR) sa hindi ipinaliwanang na paglabag; hindi rin ito nag-isyu ng citation ticket, hindi naka uniporme at gamit ang isang LTO-Sabang marked vehicle.
Sinabihan pa niya ang mga biktima na tubusin na lamang nila ang kanilang lisensya sa LTO.
Papunta ang mga biktima sa LTO compound, Brgy. Sabang ng nasabing lungsod upang kuwestiyunin ang illegal na panghuhuli sa kanila subalit sinundan sila ng suspek na sakay ng isang kulay gray na Honda City na may plakang ZSD 510 at pina-tigil sila at nang hindi sila huminto ay tinutukan ng baril ang isa sa mga biktima kaya tumakbo sila at pumasok sa isang bahay.
Isang concerned citizen ang tumawag sa pulisya at sa LTO Sabang na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Narekober sa suspek ang isang kalibre 45 na baril, anim na bala, LTO ID at kulay gray na Honda City. MARGIE BAUTISTA