MANILA, Philippines – Inihayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Miyerkoles na handa siyang humarap sa imbestigasyon ng Senado sa flood control projects kung siya ay ipatawag, dahil obligadong sumipot ang sinumang tatawagin.
Ayon kay Sotto, nagsasagawa rin ng sariling parallel investigation ang Pasig LGU at makikipagtulungan sa mga senador.
“Dapat managot ang dapat managot… Hindi pwedeng pagkatapos ng ilang buwan tatahimik na lang ang issue at magkakalimutan tayo,” aniya.
Tumanggi siyang magkomento tungkol sa pagkumpiska ng Bureau of Customs ng mga luxury vehicles na konektado sa Discaya ngunit iginiit na dapat matigil ang mga iregularidad sa infrastructure projects.
“Ang importante yung mga infrastructure projects hindi na maulit, kailangan matigil na yung mga kalakaran,” dagdag niya.
Kabilang si Sarah Discaya sa mga iniimbestigahan ng Senado matapos i-flag ni Pangulong Marcos Jr. ang mga contractor na umano’y nakakuha ng bilyon-bilyong halaga sa flood control projects. RNT