MANILA, Philippines – Kinalampag ng ilang grupo ang Commission on Elections (Comelec) upang ipanawagan na iproklama ang Gabriela Women’s Party bilang nanalong party-list noong May 9, 2025 elections matapos kanselahin ang registration ng Duterte Youth Party-list.
Giit ni Gabriela Secretary-General Clarice Palce, malinaw umanong hindi na makakaupo sa Kamara ang Duterte Youth Party-list kaya’t hindi na dapat patagalin pa ng Comelec ang kanilang proklamasyon.
Kinansela ang registration ng Duterte Youth Party-list dahil sa mga kakulangan sa publication at hearing, na mga kinakailangang proseso para sa akreditasyon ng isang party-list.
Gayunman, nilinaw ng Comelec na kailangan pa nilang hintayin ang pinal na desisyon ng Korte Suprema bago ipatupad ang kanselasyon, bagama’t umaasa itong kakatigan ang kanilang desisyon.
Inaasahan ding magsusumite ngayong hapon ng petisyon ang Duterte Youth sa Korte Suprema laban sa Comelec dahil umano sa paglabag nito sa Konstitusyon at sa sinasabing grave abuse of discretion. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)