NASA mahigit 18,000 na reklamo mula sa mga mamimili ang naitala ng Department of Trade and Industry (DTI) sa unang anim na buwan ng 2025, kabilang na ang mga isyu sa mga produktong nabili online.
Sa budget briefing ng kagawaran sa House Committee on Appropriations, inamin ni secretary Cristina Roque na marami sa mga ibinebentang produkto sa internet ay substandard o mababa ang kalidad.
Kaya bilang tugon ay inilunsad ng DTI ang e-Commerce Philippines Trustmark, isang digital badge na magsisilbing garantiya upang matukoy ng mga mamimili kung lehitimo ang isang online seller.
“Marami talagang produktong ibinebenta online na hindi pumapasa sa pamantayan. Kaya inilunsad ang trustmark para kahit paano ay makatiyak ang publiko na may pagbusisi ng DTI,” ani Secretary Roque.
Sa kasalukuyan, boluntaryo pa lamang ang pagkuha ng trustmark para sa mga online seller. Subalit ito ay magiging obligatoryo kapag ganap nang ipinatupad ang Internet Transactions Act o ang Republic Act No. 11967.
Ang proposed budget ng DTI at attached agencies nito para sa 2026 ay nasa Php 12.4 billion pesos, mas mataas ng 16 porsyento kumpara sa kasalukuyang Php 10.7 billion pesos.
Bahagi nito ay para sa promosyon ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Mula sa kabuuang 18,494 reklamo, nasa 3,500 ang naayos sa pamamagitan ng mediation, habang 14,000 ang inendorso sa iba’t ibang tanggapan o kaukulang ahensya para sa karampatang aksyon.
Ayon sa DataReportal 2025, mahigit 65 porsyento ng mga Filipino ang aktibong bumibili online, at ang e-commerce market ay tinatayang aabot sa Php 1.3 trillion pesos ang kita ngayong taon. Pinakapopular na kategorya ng mga produkto ay fashion, electronics, health and beauty, at household items.
Isa sa pinakamalaking hamon sa e-commerce sa bansa ay ang paglaganap ng mga pekeng produkto at online scams, na nagiging sanhi ng pagbaba ng tiwala ng mga mamimili.
Sa kabila nito, nananatiling isa ang Pilipinas sa may pinakamabilis na paglago ng e-commerce sa Asya, lalo na sa tulong ng mga platform kagaya ng Shopee, Lazada, at TikTok Shop.
Isinusulong din ng pamahalaan na magkaroon ng mas istriktong regulasyon at registration system para sa mga online seller, upang maprotektahan ang parehong negosyo at mamimili.






