SAAN kaya patungo ang labo-labo sa imbestigasyon sa Kamara at Senado kaugnay ng mga iskam na ghost, substandard, abandonado at iba pang palpak na flood control projects?
Sa Kamara, tila bantulot ang mga kongresman na imbitahan si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magpakita ng mga nalalaman nito na iskam ng mga kongresman.
Nag-aaway-away rin sila kung gigisahin nila o hindi si Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co dahil ito umano ang “bosing” ng small committee na rumetoke sa National Expenditure Program 2025, kabilang na ang nasa P900 bilyong panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways kaya lumundag ito sa mahigit P1 trilyon na siyang naaprubahan umano sa Bicameral Conference committee.
Si ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan ang nagsabi ng nasabing paglobo ng badyet ng DPWH mismo sa Kamara.
Si Navotas Congressman Toby Tiangco ang kumwestiyon sa small committee at siya na rin ang nagsulong ng suhestiyon na pagpaliwanagin si Co ukol dito ngunit hinarang ng iba hanggang sa mag labo-labo na sila rito.
Ibinulalas tuloy ni Tiangco na ano pang silbi ang imbestigasyon kung hindi pala pupwedeng humarap ang sinomang kongresman na sangkot sa pambababoy sa batas sa pambansang badyet na nagbunga ng maiiskam na flood control projects.
Kinwestiyon din ni Tiangco ang pagpapagawa ni Co, bilang partylist representative, ng mga proyekto na hindi man lang idinaraan o nagpasintabi sa kongresman sa distrito.
Sa Senado naman, may umaangal na mga senador sa imbestigasyong pinangungunahan ni Sen. Rodante Marcoleta na pinuno ng Blue Ribbon committee.
Bukod sa umano’y pagkasagasa ng oras ng iba pang komite na may sarili ring mga pagdinig sa ibang mga usapin, may gusto pang ipasa na lang ang imbestigasyon, gaya ng panukala rin sa Kamara, sa bubuuing Independent Commission ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa mga nangyayaring ito, baka walang kongresman o senador ang masasabit at makukulong sa mga iskam na binubusisi sa Kongreso. Pesteng yawa!






