Home OPINION TAPANG AT KATAPATAN NI CHIZ

TAPANG AT KATAPATAN NI CHIZ

220
0

ISA sa pinakamainit na usapin ngayon ay ang campaign donations noong 2022 elections. Ayon kay Commission on Elections chairman George Garcia, may 31 kontratista ang nagbigay ng donasyon sa iba’t ibang national candidates.

Isa rito si Lawrence Lubiano ng Centerways Construction, na nagsabi na nagbigay siya ng P30 milyon para sa senatorial campaign ni Chiz Escudero, ngayo’y Senate President.

Sa unang tingin, madaling gawing isyu ang ganitong impormasyon. Malaking halaga ang P30 milyon at galing ito sa isang taong may kompanyang nakakukuha ng proyekto sa gobyerno. Ngunit mahalagang bigyang-diin ang mismong paglilinaw ni Lubiano: pera niya mismo ang ibinigay, hindi galing sa kompanya. Ibig sabihin, ito ay personal na ambag, hindi pondong nakatali sa mga kontrata ng kanyang construction firm.

Mahalaga ring malaman na bago pa man nagsalita si Lubiano sa Kamara nitong Martes, nauna nang nagsalita si Escudero noon pang August 12. Diretsahan niyang inamin ang pagtanggap ng donasyon. Sa katunayan ay hindi naman niya ito itinago unang-una dahil nakalagay ito sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE na ipinasa bago pa ang June 8, 2022 deadline. Ang SOCE ay isang public document sa COMELEC at pwede itong ma-access ng kahit sino. Kung may bahid ng paglabag sa batas, bakit pa niya ito isinapubliko?

Naninindigan din si Chiz wala siyang kinalaman sa mga proyektong nakuha ng kompanya. Mas kumonti pa nga ang kontrata ng Centerways nang siya’y nasa Senado na.

Heto ang tanong ngayon: Kung may 31 kontratista na ang nagbigay ng donasyon, bakit tila si Escudero lang ang binubugbog ng intriga? Nasaan ang ibang kandidato na sinasabi ni Garcia na tumanggap din ng donasyon? Tahimik sila hanggang ngayon.

Dito lumalabas ang pagkakaiba. Habang ang iba’y tahimik, si Escudero ay tapat na humarap sa publiko, hindi nagtago, hindi umiwas. Siya pa ang unang nagsalita. Sa panahon kung saan karaniwan ang pagtatakip at palusot, ang kanyang hakbang ay malinaw na pagpapakita ng tapang at transparency.

Dapat na maging malinaw sa atin na hindi lahat ng donasyon ay may kapalit. Sa kaso ni Chiz, wala siyang pinaboran o kinasangkutang anomalya.

Ang meron siya ay ang katapatan na sabihin ang totoo at ang tapang na humarap sa taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here