MANILA, Philippines – Pinigilan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagbabayad sa nagpapatuloy na proyekto na kinasasangkutan ng hindi bababa sa dalawang naka-blacklist na kontratista dahil sa natuklasan na ilan sa mga ito ay ‘non-existent’ o ‘ghost flood projects’.
Sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon sa House appropriations panel sa budget presentation ng DPWH proposed P880 billion budget para sa 2026 na kabilang dito ang mga pagbabayad para sa Wawao Builders at SYMS Construction Trading na ipinagbawal na bilang mga contractor.
Ang SYMS Construction Trading ang nasa likod ng ghost project na binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Barangay Piel, Baliuag noong Agosto 20.
Samantala, sinabi ni Dizon na personal niyang ininspeksyon ang Wawao P96.5 milyon flood control project sa Bulacan na idineklarang nakumpleto noong 2024 ngunit napag-alaman sa pagbisita ng kalihim na kakasimula pa lamang ng contractor ang konstruksyon.
Sa parehong budget hearing, inanunsyo ni Dizon na lahat ng opisyal ng DPWH mula sa Central Office ay sumunod sa kanyang panawagan na magsumite ng courtesy resignation para simulan ang reporma sa ahensyang nabahiran ng maanomalyang flood control projects.
Saklaw ng utos ni Dizon para sa courtesy resignation ang lahat ng opisyal ng DPWH sa buong bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden