Home METRO P21.9-M trak ng basura, isasauli ng Mandaue LGU

P21.9-M trak ng basura, isasauli ng Mandaue LGU

266
0

CEBU, Philippines – Planong ibalik sa supplier ng Mandaue City LGU ang dalawang trak ng basurang nagkakahalaga ng ₱21.9 million sa umano’y overpricing sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Setyembre 5, ipinahayag ni City Administrator Atty. Gonzalo Malig-on na ang mga trak na nagkakahalaga ng ₱10.99 million bawat isa ay binili ng nakaraang administrasyon noong Hunyo 26, 2025.

Batay sa kanilang pagsisiyasat maaaring makabili ng kaparehong unit sa halagang ₱3 million hanggang ₱6 million.

Napag-alaman din na ang parehong mga trak ay modelo noong 2017, at isa sa mga ito ay nairehistro na sa ilalim ng pangalan ng supplier, kaya’t naging kwestyon ang pagiging mga bagong unit nito, dahil ang paunang pagpaparehistro ay dapat na nasa ilalim ng LGU.

Inirerekomenda ng City Department of General Services (DGS), sa pamamagitan ng isang memorandum na inendorso ni Mayor Thadeo Jovito “Jonkie” Ouano, na ipagpaliban ang pagtanggap ng mga trak hanggang sa makapagbigay ng paliwanag ang supplier at makumpirma ng price canvass ang pagiging makatwiran ng naka-quote na halaga.

Bagama’t naihatid na ang mga sasakyan, walang pormal na turnover o pagtanggap ng lungsod dahil ang bagong administrasyon, na nasa opisina na noon, ay nakakita ng mga indikasyon ng overpricing. Ang isyu ay natugunan ng lungsod matapos magtanong ang ilang residente sa Facebook page ng lungsod kung bakit hindi ginagamit ang mga garbage truck na nakaparada sa sports complex ng lungsod.

“It would be disadvantageous to the city if we push through. Sobra ra ka overprice—imagine paying ₱11 million for one unit when you can get two for the same price with the same specifications. How can that be reasonable?” saad ni Malig-on.

Aminado si Malig-on na kasalukuyang nahihirapan ang lungsod sa pangongolekta ng basura. Sa anim na dump truck na pag-aari ng lungsod, tatlo lang ang operational, at tatlo ang inaayos pa. Dahil dito, kasama sa panukalang supplemental budget ang ₱10 milyon para sa pagrenta ng mga compactor at garbage truck para matugunan ang agarang pangangailangan.

Dagdag pa niya, naglabas na sila ng memorandum sa mga barangay, na hinihimok silang bilisan at mas aktibong tumulong sa pagsusumikap sa pangongolekta ng basura. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here