MANILA, Philippines – Tinawag na “hypocritical” ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang panawagan ni Vice President Sara Duterte sa mga guro na palakasin ang critical thinking ng mga estudyante, kasabay ng paggunita sa National Teachers’ Month.
Ayon kay ACT chair Vladimer Quetua, wala umanong “moral right” si Duterte na magsalita tungkol dito dahil mismong panunungkulan niya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) ay napuno ng kontrobersiya
“Walang mas makapal ang mukha kaysa kay Sara Duterte na magsalita tungkol sa critical thinking at demokrasya, habang siya mismo ang nanguna sa red-tagging, panunupil, panlilinlang at lalo pang nagpabigat sa krisis sa edukasyon,” ani Quetua.
Giit ng ACT, ang “legacy” ni Duterte sa DepEd ay kinabibilangan ng confidential funds para sa ahensya, pagtutulak ng mandatory ROTC, red-tagging laban sa mga guro, at umano’y militarisasyon ng kagawaran.
Dagdag pa ni Quetua, nananatiling malubha ang mga problema sa edukasyon noong dalawang taon na siya’y nasa DepEd kabilang ang kakulangan ng silid-aralan, libro at iba pang learning materials, hindi nababayarang benepisyo ng mga guro, at “malawakang mismanagement ng budget.”
Pinuna rin ng ACT ang umano’y papel ng administrasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte, ama ng bise presidente, sa “pagbuo at paggamit ng disinformation machinery” na nakasira sa kalayaan at demokrasya.
Sa kanyang Teachers’ Month message, hinikayat ni VP Duterte ang mga guro na tulungan ang kabataan na mas maging mapanuri sa gitna ng social media at pagkalat ng fake news.
Ngunit ayon kay Quetua: “Walang lugar para sa hungkag na retorika mula sa opisyal na may mabigat na pananagutan sa krisis sa edukasyon at sa pagdurusa ng mga guro.” RNT/JGC