MANILA, Philippines – NANAWAGAN si Iloilo City Mayor Raisa Treñas na ipatigil at rebyuhin ang ilang flood control projects sa lungsod matapos nakitaan ng iregularidad at kwestyunableng disenyo ang mga proyektong hawak ng mga kumpanyang pagmamay-ari o konektado sa kontraktor na si Sarah Discaya.
Noong nakaraang Martes, ipinahayag ng alkalde ang kanyang pagkadismaya matapos inspeksyunin ang flood mitigation project sa Mohon, Arevalo, kasama si Oton Mayor Sofronio Fusin Jr.
Ayon kay Treñas, malaking bahagi ng ilog ang kinain ng proyekto para sa isang bike lane na umano’y para sa mga ambulansya, ngunit hindi ito madaanan dahil sa maraming sagabal.
Dagdag pa niya, dati ay hindi naman lubog sa baha ang lugar, ngunit nang matapos ang proyekto, naging malubha ang pagbaha sa kasagsagan ng mga pag-ulan nitong Hulyo.
“Ang ilan sa mga proyekto mismo ang sanhi ng pagbaha dito. Kasi dati wala namang ganoon. Gumawa sila ng waterways, tinawag na flood protection pero naging bike lane o access road,” ani Treñas.
Dahil dito, ipinatawag niya ang muling pagrepaso sa lahat ng proyekto ng mga kumpanyang hawak ni Discaya, kabilang na ang pagsusuri sa kanilang mayor’s at business permits.
Sa kasalukuyan, lima sa mga flood control projects sa Iloilo City ay ginagawa ng tatlo sa siyam na kumpanyang pagmamay-ari ni Discaya — kabilang ang St. Timothy Construction Corporation, Alpha and Omega General Contractor and Development Corporation, at YPR General Contractor and Construction Supply, Inc.
Kamakailan ay binawi na ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang lisensya ng siyam na kompanyang hawak ni Discaya, kabilang ang St. Timothy Construction, Alpha and Omega, St. Matthew General Contractor, at YPR General Contractor.
Samantala, ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Rodante Marcoleta, aabot sa 60 flood control projects ang kasalukuyang iniimbestigahan dahil posibleng mga ghost project. Mary Anne Sapico