Home NATIONWIDE P300,000 shabu nasamsam, lolo arestado

P300,000 shabu nasamsam, lolo arestado

266
0

CEBU CITY-HIMAS rehas ngayon ang isang 64-anyos na lolo matapos makuhanan ng P300,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad, iniulat kahapon, Setyembre 7 sa lungsod na ito.

Sa pinagsamang operasyon ng PDEA-7 Regional Special Enforcement Team (RSET), PNP Drug Enforcement Group/Special Operations Unit 7 at Labangon Police Station, kinilala ang suspek sa alyas “Sindak”, nasa target list ng PDEA at residente ng Sitio Sto. Rosario, ng nasabing lungsod.

Batay sa report ng pulisya, bandang 3:42 PM noong Sabado Setyembre 6, 2025 nadakip ang suspek sa Barangay Labangon, Cebu City.

Nasamsam mula sa suspek ang apat na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 50 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱340,000, kasama ang buy-bust money.

Ayon sa awtoridad, ang pagkakadakip ay resulta ng anim na buwang case build up na nagpatunay na lingguhang nagbebenta si Sindak ng 40 hanggang 50 gramo ng shabu sa lugar.

Nabatid din na matagal nang may mga kaso ng droga ang suspek at naaresto na noong 1990, 1998, at 2012. Ilang ulit din siyang nakulong at nakalabas noong 2018 sa pamamagitan ng plea bargain bago muling nasangkot sa ilegal na droga.

Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa pansamantalang pasilidad ng PDEA-7 habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Batay sa Section 5, Article II ng batas, ang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, gaano man kaliit ang halaga, ay may parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang ₱500,000 hanggang ₱10 milyon. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here