MANILA, Philippines – Idinadawit ng mag-asawang contractor Sara at Curlee Discaya si Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde at ilang mga kongresista sa umano’y panghihingi ng porsiyento mula sa ilang proyekto upang hindi umano maipit ang implementasyon ng kanilang mga kontrata.
Kabilang pa sa nabanggit ng mga Discaya ay sina:
•Pasig City Rep. Roman Romulo
•Rep. Marcy Teodoro.
•Terence Calatrava, Former Undersecretary of the Office of the Presidential Assistant for the Visayas of the Philippines
• USWAG Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang
• Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas
• AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones
• San Jose del Monte Bulacan Rep. Florida Robes
• Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona
• Former congressman Benjamin Agarao, Jr.
• Former congressman Florencio Gabriel Noel
• Occidental Mindoro Rep. Odie Tarriela
• Quezon Rep. Reynante Arrogancia
• Quezon City Rep. Marvin Rillo
• Former congressman Teodorico Haresco, Jr.
• Former congressman Antonieta Eudela
• Caloocan Rep. Dean Asistio
• Quezon City Rep. Marivic Co-Pilar
Sa kanilang sinumpaang salaysay, sinabi ng Discaya couple na kabilang si Atayde sa mga binibigyan nila ng 10 hanggang 25 porsiyento. Anila, napilitan silang magbigay dahil sa panggigipit na dinaranas ng kanilang kumpanya.
Ayon sa kanila, personal umano nilang ibinibigay ang halagang iyon sa ama ng kongresista na si Arturo Atayde. “Ang hinihingi nilang porsiyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa ng 25% na naging kundisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata,” nakasaad sa affidavit.
Dagdag pa nila, ang bawat transaksyon ay ibinibigay nang cash at may kalakip na voucher at ledger kung kailan ito tinanggap. Dahil dito, napilitan umano silang abonohan ang pagkakaltas sa kanilang proyekto, na nauwi sa pagkalugi ng kanilang negosyo.
Sa pahayag ni Rep. Atayde sa isang ulat, itinanggi niya ang nasabing pahayag ng mag-asawang Discaya.
“Hindi po totoo ang mga akusasyon na ito. I have never used my position for personal gain, and I never will. I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods,” saad niya. RNT