MANILA, Philippines – Inihayag ng National Capital Region Police Office na magpapakalat sila ng 2,250 pulis sa Setyembre 12 para sa seguridad ng mga inaasahang “Black Friday” protest laban sa umano’y iregularidad sa flood control projects.
Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, posibleng magsagawa ng kilos-protesta sa Mendiola, harap ng DPWH, sa EDSA, at sa Senado at Kamara.
“We have already monitored four activities… although specific locations are not yet certain. No permits have been issued,” aniya, at iginiit na maximum tolerance ang paiiralin.
Samantala, naghahanda ng kaso ang QCPD laban sa mga raliyista sa Batasan noong nakaraang linggo kung saan pitong pulis ang nasaktan. Kabilang sa mga grupo ang Kabataan, ACT, Bayan Muna, at iba pa.
Sinabi naman ni Pasig police chief Col. Hendrix Mangaldan na wala pang pormal na request ng seguridad mula kina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sarah” Discaya matapos magprotesta ang ilang aktibista sa kanilang kompanya.
Tiniyak ng pulisya na may standby forces para maiwasan ang anumang insidente. RNT