Home NATIONWIDE Ex-DPWH Engineer Hernandez nakiusap, ‘wag na siyang pabalikin sa Senado

Ex-DPWH Engineer Hernandez nakiusap, ‘wag na siyang pabalikin sa Senado

257
0

MANILA, Philippines – Hiniling ni dating DPWH Engineer Brice Ericson Hernandez ng Bulacan sa pagdinig ng Infra Comm na huwag na siyang pabalikin sa Senado kung saan siya naka-detine matapos payagan ang mosyon na siya ay ma-cite in contempt.

Ito ay bago banggitin ni Hernandez ang pangalan ng dalawang senador na diumano’y sangkot sa mga kwestyunableng flood control projects sa Bulacan.

“Pwede ho bang ‘wag niyo na po ako ibalik sa Senate, Your Honor, kasi may mga involved pong senador dito at hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko kung ibalik niyo ako doon. Siyempre natatakot din po ako sa buhay ko at sa pamilya ko kasi hindi naman po birong tao ‘yung mga taong involved dito,” pakiusap ni Hernandez.

Sa pagdinig ng Infra Comm na binubuo ng House Committees on Public Accounts, Public Works and Highways, and Good Government and Public Accountability—ay pinangalanan ni dating Bulacan Engr. Brice Ericson Hernandez ang nabanggit na mga senador maging si dating DPWH Undersecretary Robert Bernardo at si District Engineer Alcantara.

Inisa-isa ni Hernandez ang mga proyektong kinasasangkutan ni Estrada na aniya’y umabot sa halagang P355 milyon na ngayon lamang 2025 at si Villanueva na nasangkot umano sa walong proyekto at nakakuha ng umano’y 30 porciento sa halagang P600 milyon.

Tinawag naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice na “sindikato” ang mga sangkot na DPWH officials at kontraktor.

Dahil sa lawak ng anomalyang ito ay muling nagmosyon si Erice na ipatawag sa imbestigasyon si dating Senador Grace Poe na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance at Ako Bicol Rep. Zaldy Co na dating chairperson ng House Appropriations Committee ng 19th at 20th Congress kasama si USEC Bernardo.

Tugon naman ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon na siyang presiding officer ng Tricomm hearing na naipadala na sa tanggapan ni Co ang imbitasyon na ngayon ay sinasabing nagpapagamot sa Estados Unidos.

Samantala, nabigo si Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando na mapayagan ang kaniyang mosyon na mai-cite in contempt ang kontraktor na si Pacifico Discaya.

Bago napagbotohan ang mosyon ay hiniling ni Manila Rep. Benny Abante na ipagpaliban muna ang mosyon. (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here