Home METRO Lalaking pumatol kay misis binaril ng de-sabog sa mukha ni mister

Lalaking pumatol kay misis binaril ng de-sabog sa mukha ni mister

281
0

BULACAN, Philippines – Dead on arrival sa pagamutan ang 28 anyos na lalaking binaril ng improvised shotgun sa mukha ng kaalitan sa Brgy. Cacarong Bata, Pandi gabi ng Setyembre 7.

Sa report ni PLTCOL Manuel De Vera Jr, hepe ng Pandi police station, kinilala ang biktima na si alyas “JL”, residente ng Brgy. Cacarong Bata.

Ayon sa report, mabilis na naaresto sa hot pursuit operation ang suspek na si alyas “Mon”, 25, malapit sa exit ng Padre Pio Pabahay sa naturang lugar.

Batay sa imbestigasyon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek dahil umano sa alitan na may kinalaman sa pamilya.

Sa gitna ng komosyon, nang saktan umano ng biktima ang kinakasama ng suspek ay agad itong kumuha ng improvised shotgun (sumpak).

Dahil dito, walang kaabog-abog na binaril ng suspek sa mukha ang biktima at mabilis na tumakas sa lugar.

Agad dinala sa ospital ang biktimang nagtamo ng malubhang sugat sa mukha at balikat para sa paunang lunas subalit binawian na ito ng buhay.

Sinasabing narekober kalaunan ang sumpak sa bahay ng suspek na nahaharap sa kaukulang kaso habang nakakulong sa nasabing istasyon. (Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here