MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy ni ngayon’y Senate Committee on Health Vice Chairman Senator Bong Go ang pagsisiguro na magbibigyang prayoridad ang kalusugan ng bawat Pilipino at ang pag-aangat ng healthcare system ng bansa.
Ito ang sinabi ng senador sa Senate Session nitong Martes, Setyembre 9, matapos balasahin ng bagong liderato ng Senado ang iba’t ibang committee chairmanships.
Ayon kay Senator Bong Go, hindi kailanman maaapektuhan ng pulitika ang kanyang malasakit at adbokasiya para sa kalusugan.
Aniya, walang pinipiling political color ang pagkakasakit, at kahit sinong Pilipino ay pwedeng tamaan nito anumang oras.
Sa kanyang pamumuno bilang chairman ng Health Committee, ilang malalaking programa ang naisulong at naisabatas ni Go.
Kabilang na rito ang Malasakit Centers na lampas 17 milyong Filipino na ang natutulungan.
Ito ang pinaniniwalaang isa sa mga dahilan kaya’t nakamit ng senador ang makasaysayang 27 milyong boto nitong nakaraang eleksyon.
“Magpapatuloy po ang aking adhikain para sa kalusugan ng ating mamamayang Pilipino. Patuloy ang aking serbisyo at malasakit sa ating kapwa,” ani Go.
“I am here for the sick, for the struggling, for the hopeless, and the helpless,” dagdag pa niya. RNT