MANILA, Philippines – PINAGALITAN ni US President Donald Trump si Prime Minister of Israel Benjamin Netanyahu hinggil sa pag-atake ng Israel laban sa Hamas sa Qatar, iginiit na wala siyang papel sa pag-atake sa isa sa malapit na US ally laban sa iba.
Sinabi ni Trump na hindi man lamang siya nasabihan bago pa nangyari ang Israeli attack sa Gulf state, isang crucial broker sa negosasyon sa pagitan ng Israel at Hamas ukol sa pagtatapos ng Gaza war at para ma-secure ang pagpapalaya sa mga binihag ng Palestinian militants.
“I’m not thrilled about the whole situation,” ang sinabi ni Trump sa mga mamamahayag habang bihirang lumabas at kumain sa isang Washington restaurant.
“We want the hostages back, but we are not thrilled about the way that went down today,” ayon pa rin kay Trump.
Ang pag-atake ng Israel sa Doha ay hindi maaaring maging mas sensitibo dahil ang Qatar, bukod pa sa papel nito sa Gaza negotiations, ay tahanan ng isang napakalaking US airbase at nag-host kay Trump sa panahon ng Middle East swing ngayong taon.
Bukod dito, nagbigay ang fossil fuel-rich emirate sa Estados Unidos ng luxury Boeing 747-8 jet para kay Trump para magamit bilang kanyang presidential plane, isang hakbang na nagpakislap ng mga pangunahing ethical questions.
“This was a decision made by Prime Minister Netanyahu, it was not a decision made by me,” ang sinabi ni Trump sa kanyang post sa social media.
“I view Qatar as a strong Ally and friend of the US, and feel very badly about the location of the attack,” aniya pa rin, sabay sabing ang pag-alis o pagtanggal sa Hamas ay nananatiling “worthy goal.”
Sa isang kalatas na naunang isinatinig ni White House Press Secretary Karoline Leavitt, sinabing nakatuon si Trump sa posibleng danyos sa kanyang pagsisikap na tuldukan ang giyera sa Gaza.
“Unilaterally bombing inside Qatar, a Sovereign Nation and close Ally of the United States, that is working very hard and bravely taking risks with us to broker Peace, does not advance Israel or America’s goals,” ang sinabi ni Trump.
Nasaktan si Trump dahil ang Washington ay walang kamalay-malay sa naging pag-atake ng Israel.
Sinabi nito na ipinaalam sa White House ng United States Military na inaatake na ng Israel ang Hamas na “very unfortunately” matatagpuan sa isang seksyon ng Doha.
“I immediately directed Special Envoy Steve Witkoff to inform the Qataris of the impending attack, which he did, however, unfortunately, too late to stop the attack,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi ni Trump na nakausap na niya si Netanyahu ukol sa aftermath, at sinubukang lagyan ng ‘positive gloss’ ang pangyayari.
“The Prime Minister told me that he wants to make Peace. I believe this unfortunate incident could serve as an opportunity for PEACE,” anito. (KRIS JOSE)