MANILA, Philippines – INAPRUBAHAN ng Tsina ang paglikha ng national nature reserve sa pinagtatalunang Scarborough Shoal sa South China Sea.
Bahagi ito ng pagkilos ng Beijing para palakasin ang kanilang territorial claims at maritime rights sa pinagtatalunang rehiyon.
Ang Scarborough Shoal, tinatawag ng Beijing na Huangyan Island at mas kilala naman sa Pilipinas bilang Panatag Shoal, ay matagal nang flashpoint sa pagtatalo sa pagitan ng Beijing at Maynila kaugnay ng soberanya at fishing access sa daluyan o lagusan para sa mahigit $3 trilyon ng annual ship-borne commerce.
Hindi naman kaagad tumugon ang Philippine Embassy in Beijing sa bagay na ito.
Sa ulat, patuloy na inaangkin ng Tsina ang halos kabuuan ng South China Sea bilang bahagi ng teritoryo nito at naninindigan sa hindi pagkilala sa 2016 international arbitration ruling na nagsabing walang “ligal na batayan” ang malawakang pag-angkin nito sa naturang karagatan.
Samantala, sinabi ng State Council ng Tsina na ang designation ng nature reserve ay “an important guarantee for maintaining the diversity, stability, and sustainability of the atoll’s natural ecosystem.”
“The specific boundaries and zoning of the reserve will be announced separately by the National Forestry and Grassland Administration,” anito. (KRIS JOSE)