LEYTE – KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang ginang matapos arestuhin ng mga awtoridad sa reklamong online pambubugaw sa sarili niyang mga anak at kapatid sa Ormoc City, iniulat kahapon.
Dinampot ng National Bureau of Investigation (NBI) Human Trafficking Division ang suspek sa mismong bahay nito sa Ormoc City.
Nakatanggap ng impormasyon ang NBI mula sa Department of Justice na nagpapadala ang suspek ng mga malaswang larawan at video sa isang Amerikano gamit ang social media.
Ayon kay Atty. Rosalie Laguardia, hepe ng NBI Human Trafficking Division, may mga nai-upload na child sexual abuse and exploitation materials sa isang Facebook account sa pagitan ng isang American national at isang Filipina sa Ormoc City.
“Yung una nating biktima, 15 years old na, ayaw na niya pero patuloy pa rin siyang ine-exploit ng kaniyang nanay,” pahayag ni Laguardia.
Nasagip ang 15-anyos na biktima habang nasa paaralan. Ang kaniyang mga kapatid na edad 7, 4, at 3 ay nadiskubreng ibinubugaw rin online, gayundin ang 8-anyos na kapatid ng suspek.
Itinurn-over na ang lahat ng biktima sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Samantala, sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Sexual Abuse or Exploitation of Children Law ang ina.