MANILA, Philippines – Binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian noong Huwebes (Setyembre 11) ang komunidad ng Aeta sa Floridablanca, Pampanga kung saan ipapatupad ang Project LAWA ng ahensya sa BINHI sa susunod na taon.
Bilang bahagi ng paunang interbensyon ng proyekto, ang DSWD ay nagbigay ng Food-for-Work (FFW) sa 200 Aetas habang sila ay nagtatanim ng mga pananim sa kanilang sakahan ng gulay na matatagpuan malapit sa Floridablanca National Agricultural School.
Ayon sa DSWD ang Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) sa BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished), na nagsimula noong 2023, ay idinisenyo upang tulungan ang mga mahihinang komunidad na umangkop sa pagbabago ng klima sa pamamagitan ng pagtugon sa kakulangan sa tubig at kawalan ng pagkain.
Kasama ng DSWD Secretary sa pagbisita sa Indigenous People (IP) community sina Pampanga Governor Lilia ‘Nanay’ Pineda at Floridablanca Mayor Michael Galang.
Dumalo rin sa aktibidad sina DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, Disaster Response Management Bureau Director Maria Isabel Lanada, at DSWD Field Office 3- Central Luzon Director Venus Rebuldela. (Santi Celario)