MANILA, Philippines – Mariing kinokondena ng pamunuan ng National Press Club of the Philippines (NPC) ang maling paggamit ng mga pampublikong pondo na ang pangunahing layunin ay bigyang proteksyon ang mga buhay at komunidad mula sa mapaminsalang baha.
Dahil dito, nagpahayag ng matinding pagkabahala ang NPC sa dumaraming alegasyon ng katiwalian, maling pamamahala, at mga iregularidad sa mga ‘flood control projects’ na pinondohan ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa halip na tiyakin ang kaligtasan at katatagan ng bawat mamamayan sa bansa, ang mga proyektong ito ay naging mga sasakyan umano ng kasakiman, na pinagpapatuloy ng makapangyarihang mga interes sa loob ng gobyerno.
Ang mga ulat ng mga “ghost projects”, substandard na konstruksyon, at ang pag-corner ng bilyong pisong kontrata ng piling ilang pinapaboran na mga kontratista ay labis na nakakabahala at nangangailangan ng agaran at masusing pagsisiyasat.
“We call on the administration to prove its commitment to good governance by allowing an independent, transparent, and credible investigation into these anomalies. The Filipino people deserve to know the truth about how their hard-earned taxes are being spent, and those found guilty must be held accountable—regardless of position, political affiliation, or influence.” saad ni NPC President Leonel “Boying” Abasola.
Ang NPC ay nagpapaalala sa gobyerno na ang mga mamamahayag at mga grupo ng tagapagbantay ay patuloy na magbibigay liwanag sa mga iregularidad na ito.
Ayon kay Abasola, ang kalayaan sa pamamahayag ay isang kasangkapan ng pananagutan, at tayo ay naninindigan sa ating tungkulin na ilantad ang maling gawain at palakasin ang mga boses ng mga apektadong komunidad na matagal nang nagdusa sa mga kahihinatnan ng kapabayaan at katiwalian.
“We urge our fellow media practitioners, civil society groups, and the public at large to remain vigilant and united in demanding accountability. Corruption in public works is not just a betrayal of trust—it is a betrayal of the Filipino people’s right to safety, dignity, and a government that truly serves,” dagdag pa ni Abasola. JAY Reyes