MANILA, Philippines — Halos kalahati o 47 porsyento ng mga adult Filipinos ang naniniwalang gaganda ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumabas din sa survey na inilabas nitong Biyernes na 37 porsyento ang nagsabing mananatili itong pareho, habang 5 porsyento naman ang naniniwalang lalala ang kanilang sitwasyon. Labing-isang porsyento ang hindi sumagot.
Ayon sa SWS, ang net personal optimism score ay kapareho ng “excellent” +40 noong Abril 23 hanggang 28, 2025, matapos ang “very high” +37 noong Marso 15 hanggang 20, 2025 at “very high” +38 noong Abril 11 hanggang 15, 2025.
Ipinakita ng datos na bahagyang tumaas ang optimismo sa Visayas at Metro Manila, bumaba nang kaunti sa Mindanao, at nanatiling pareho sa Balance Luzon.
Mula “high” umakyat sa “very high” ang score sa Visayas (+29 hanggang +36), habang nanatiling “excellent” sa Metro Manila (+40 hanggang +44). Sa Mindanao, bumaba ito mula “excellent” +40 tungo sa “very high” +38, habang nanatiling “excellent” sa Balance Luzon (+45 hanggang +44).
Pinakamataas ang net optimism sa mga edad 18 hanggang 24 na nasa “excellent” +54, kasunod ang +51 sa 25 hanggang 34 taong gulang. Bumaba ito sa +33 sa mga may edad 55 pataas.
Malaki rin ang itinaas ng score sa mga non-elementary graduates, mula “high” +23 tungo sa “excellent” +44. Nanatiling mataas sa iba pang educational levels.
Mas mataas din ang optimismo sa mga pamilyang hindi itinuturing ang sarili na mahirap (+53), kumpara sa mga “borderline poor” (+34) at sa mga nagpakilalang “poor” (+33).
Ipinaalala ng SWS na 11 beses nang naging “negative” ang optimism score mula 1984, kabilang ang “historic low” na -19 noong Mayo 2020 sa kasagsagan ng COVID lockdowns.
Isinagawa ang survey noong Hunyo 25 hanggang 29 gamit ang face-to-face interviews sa 1,200 adults sa buong bansa. May sampling error margin itong ±3 porsyento sa national level at ±6 porsyento sa bawat rehiyon. RNT/JGC