MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 98,282 trabaho ang inialok sa iba’t ibang job fair na idinaos sa bansa nitong Sabado, Setyembre 13, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa pahayag, sianbi ng DOLE na ang inisyatibo ay bahagi ng “Handog ng Pangulo 2025,” ng pamahalaan na isinagawa sa ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mahigit 1,061 lumahok na kompanya ang nag-alok ng employment opportunities, kabilang ang 81,826 local jobs at 16,456 overseas positions.
Inabisuhan ang mga job seeker na magdala ng kopya ng kanilang resume o curriculum vitae, diploma, transcript of records, government clearances, at certificate of employment kung dati nang nagtrabaho.
Ayon sa DOLE, mahigit P559 milyon ang ipamamahagi sa mahigit 70,000 benepisyaryo sa pamamagitan ng iba’t ibang programa ng regional offices, kabilang ang livelihood awards at payout ceremonies.
Ang lahat naman ng benepisyaryo ng youth employment programs nito ay nakatanggap ng kanilang mga sahod sa naturang event, at tinukoy na P46.9 milyon ang ilalaan sa 11,145 benepisyaryo ng Government Internship Program, habang ang P30.8 million sa allowance ay mapupunta sa 6,093 benepisyaryo ng Special Program for the Employment of Students.
Samantala, mahigit P54.7 milyon ang ipinamahagi sa 667 benepisyaryo ng DOLE Adjustment Measures Program sa buong bansa.
Mahigit P273.4 milyon ang ilalaan din sa 47,953 benepisyaryo na nagtrabaho ng 10 araw sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers program, habang ang P152.6 million sa livelihood assistance ay ipamamahagi sa mahigit 5,995 benepisyaryo sa ilalim ng Integrated Livelihood Program ng DOLE. RNT/JGC