MANILA, Philippines – Tatlo ang sugatan sa mahigit sampung oras na sunog sa residential area sa Happy Land, Tondo, Manila.
Alas-8:30 ng gabi nang magsimula ang sunog sa Helping Compound Bldg 7 at 8.
Mabilis namang kumalat ang sunog dahil sa pawang gawa sa light materials ang mga kabahayan kaya naman makalipas lamang ang apat na oras ay iniakyat na sa Task Force Bravo ang malaking sunog.
Kabilang sa mga sugatan ang isang 32 anyos, 18 anyos at 28-anyos.
Wala namang naitalang nasawi sa insidente.
Ayon naman sa Manila Public Information Office, iniulat ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na nasa 700 pilya ang apektado sa sunog ngunit nagpapatuloy pa ang validation.
Binigyan na rin ang residente ng apektado ng hot meals at tubig simula kagabi pati almusal ngayong umaga.
Pansamantala rin silang nakasilong sa Barangay 105 Covered Court, Vicente Lim Elementary School, Barangay 101 Covered Court, Antonio Villegas High School bilang mga evacuation sites.
Nagpatupad naman ang Manila Police District (MPD) road closures at traffic diversions sa kahabaan ng along Mel Lopez Boulevard (R-10) para sa emergency response at napanatili ang kaligtasan ng publiko. Jocelyn Tabangcura-Domenden