MANILA, Philippines – Nanawagan ang Akbayan Reform Bloc sa Kamara sa publiko na lumahok sa protesta laban sa multi-trillion peso flood control corruption at bumalik sa EDSA sa Setyembre 21.
Suportado nina Akbayan Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña at Dadah Kiram Ismula ang malaking protesta na may temang “Trillion Peso March.”
Ayon kay Diokno, ang plunder ay maituturing na “cruelest form of robbery,” kaya’t dapat tumindig at magkaisa ang taumbayan laban sa korapsyon.
“Ang kaban ng bayan ay galing sa luha at pawis ng taumbayan. Tungkulin natin bilang mamamayan na ito’y bantayan, tiyakin na nagagamit sa tama, at hindi napupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal at kanilang mga kasabwat,” pahayag ni Diokno.
Para naman kay Cendaña, hindi lamang ang korapsyon sa kasalukuyang administrasyon ang dapat imbestigahan kundi pati na rin ang sa nakalipas na administrasyong Duterte.
“Panagutin natin ang lahat, lalong lalo na ang mga mandarambong noong panahon ng Duterte administration. Tandaan, lumobo ang iligal na kayamanan ng mga Discaya noong nakaraang administrasyon. Bilyon-bilyon din ang hindi maipaliwanag na flood control at infrastructure projects ng nakaraang pamunuan. Huwag na huwag tayong makakalimot, lalo na at pilit nila itong pinagtatakpan, at tinatangkang gamitin ang ating galit para sa kanilang interes. Huwag tayong papayag,” ani Cendaña.
Ang Trillion Peso March ay inilunsad ng Simbahan at Komunidad Laban sa Katiwalian (SIKLAB), Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT), Tindig Pilipinas, Akbayan Party, Kalipunan, at Nagkaisa Labor Coalition. Gail Mendoza