MANILA, Philippines – Ipinaalala ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Lunes kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ang Senado ay hindi “noontime TV show” na puno ng gimmick, matapos sabihing ang minorya ay resorting to theatrics.
Binatikos ni Dela Rosa ang pahayag ni Sotto kaugnay ng desisyon ng liderato na ilipat si dating DPWH engineer Brice Hernandez mula sa kustodiya ng Senado patungo sa PNP Custodial Center, matapos nitong idawit sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa umano’y anomalya sa flood control projects.
“Ang Senado ay hindi noontime variety show na punô ng stunts at theatrics. Narito tayo para gumawa ng seryosong trabaho,” ani Dela Rosa, na nagpahayag din ng pagkadismaya sa linyang binitawan ni Sotto na “let them die of resentment.”
Nilinaw naman ni Sotto na ang kanyang pahayag ay para sa mga troll at hindi sa mga senador, at iginiit na hindi siya puppet ng Kamara dahil tinanggihan niya ang hiling nito na makuha ang kustodiya ni Hernandez. RNT