MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Public Works Secretary Vince Dizon nitong Martes na gumamit ng “pekeng tubo” ang isang flood control project sa Bauang, La Union na dapat sana’y daanan ng tubig para sa dike.
“Dapat tagusan itong mga tubo… pero ang problema, peke sila. Nilagay lang, parang tinapal lang, pero putol,” ayon kay Dizon sa panayam sa dzBB.
Ang proyektong nagkakahalaga ng ₱180 milyon at hawak ng Silverwolves Construction ay idineklarang tapos noong Mayo 2025, ngunit nadiskubre ni Dizon at ng ICI adviser na si Mayor Benjamin Magalong ang depekto nang kanilang inspeksyunin.
Sinabi ng kalihim na ipatatawag ang district engineer at regional director para magpaliwanag.
Dagdag pa ni Dizon, naghahanda na ang DPWH ng ikalawang batch ng kaso laban sa mga substandard na flood control project, kabilang ang sa Oriental Mindoro, na isusumite sa ICI. RNT