MANILA, Philippines – Sinabi ni Bise Presidente Sara Duterte na sinadya niyang hindi makipagkita kay dating VP at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo sa Peñafrancia Festival ngayong taon upang hindi ito mabatikos.
Ayon kay Duterte, nang dumalaw siya kay Robredo sa Naga noong 2024 bilang bahagi ng kanyang courtesy call sa mga dating pangalawang pangulo, agad itong binatikos ng mga kaalyado nito, lalo na ni dating senador Antonio Trillanes IV.
Binigyang-diin noon ni Robredo na bukas ang pista para sa lahat, anuman ang kulay sa politika, ngunit tinuligsa siya ni Trillanes dahil sa pakikipagkita kay Duterte.
“Ayaw ko kasi na ginaganon ang isang dating pangalawang pangulo. Kaya sa pagbisita ko ngayon, nagpasya akong huwag na kaming magkita para wala nang masabi laban kay former VP Leni Robredo,” pahayag ni Duterte.
Sa halip, nagtungo si Duterte sa Naga Metropolitan Cathedral upang magdasal sa Our Lady of Peñafrancia, dumalo sa misa, sumama sa Marian procession at healing prayer, at bumisita sa Porta Mariae Museum. RNT