MANILA, Philippines – Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes na ang pagdedeklara ng red alert status ay para sa pambansang seguridad at “hindi para sa anumang kulay ng politika,” sa gitna ng nagpapatuloy na anti-corruption protests.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang red alert na ipinatupad mula Setyembre 12 ay bahagi ng standard protocol para matiyak ang kahandaan sa malalaking pagtitipon.
Dagdag niya, pangunahing tungkulin pa rin ng Philippine National Police ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at suportang papel lamang ang gagampanan ng AFP.
Dalawang malalaking rally ang nakatakda sa Setyembre 21 sa Rizal Park, Maynila at sa People Power Monument, Quezon City. Kaugnay ito ng imbestigasyon ng pamahalaan sa umano’y anomalya sa flood control projects na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA. RNT