MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Martes na dapat agad na kumilos si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa umano’y korapsyon sa flood control projects at hindi na maghintay ng resulta ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Kung ikaw Presidente ka, tapos alam mo na kung anong nangyayari, makikita mo na na, based on the budget, kung paano binababoy iyong pera ng bayan, mag-aantay ka ba pa ng Commission o Truth Commission? Aksyunan mo dapat agad ‘yan,” pahayag ni Duterte sa pagdinig ng Kamara para sa ₱902 milyong panukalang budget ng OVP sa 2026.
Hamon pa niya, dapat ipag-utos ng Pangulo ang lifestyle check sa mga kongresista at kanilang staff.
“Ang dami diyan, may bahay sa abroad. Ano pang investigative body ang kailangan mo?” dagdag niya.
Matatandaang nangako si Marcos na tutugisin ang mga anomalya sa flood control projects matapos niya itong banggitin sa kanyang SONA noong Hulyo 28, at nagsagawa na rin ng mga inspeksyon. RNT