MANILA, Philippines – Nagbukas ng tig-iisang gate ang Ambuklao at Binga Dams sa Benguet matapos umabot ang kanilang lebel ng tubig malapit sa normal high water level (NHWL), ayon sa PAGASA nitong Martes.
Ayon kay PAGASA hydrologist Elmer Caringal, nasa 751.59 meters ang lebel ng tubig sa Ambuklao sa Bokod, 0.41 meters na lang ang kulang sa NHWL na 752 meters. May isang gate na nakabukas sa taas na 0.3 meters na may discharge na 74.18 cms.
Sa Binga Dam naman sa Itogon, nasa 573.64 meters ang lebel ng tubig, 1.36 meters na lang ang pagitan sa NHWL na 575 meters. Isa ring gate ang nakabukas dito sa taas na 0.3 meters na may discharge na 83.76 cms.
“Meron tayong nao-observe na pag-ulan, so kaya po medyo bahagyang umaangat po siya. That’s why ang Binga po ay still nakabukas pa rin po siya ng one gate, 0.3 meters in height at mayroon pong total discharge na 83.76 cms,” pahayag ni Caringal.
Nagbabala ang PAGASA na maaaring maapektuhan ang mga residente ng Barangay Ambuklao sa Bokod at Barangays Dalupirip at Tinongdan sa Itogon dahil sa operasyon ng dam. Santi Celario