MANILA, Philippines – KINUMPIRMA ng Malakanyang na nagpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, Martes ng gabi, Setyembre 17 sa Palasyo ng Malakanyang sa gitna ng kontrobersya ng maanomalyang flood control projects sa bansa.
Iyon nga lamang, hindi naman masabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang kung ano ang napag-usapan ng mga ito.
“Ang maiku-confirm ko lamang po ay nagkita po sila ng Pangulo at kung ano po iyong napag-usapan nila ay hindi po natin masasabi,” ayon kay Castro.
Wala namang masabi masabi si Castro ukol sa mainit na usapin ngayon na “change of leadership” sa Kongreso at kung nagbigay ba ng kanyang basbas si Pangulong Marcos na mapalitan ang pinuno ng Kongreso sa kabila ng sinabi ni Navotas Congressman Toby Tiangco na bagama’t co-equal body ang Ehekutibong sangay ng pamahalaan at Lehislaturang sangay ng gobyerno.
“Sa ngayon ay wala po tayong masasabi at hindi pa naman po yata nagri-resign si Speaker Romualdez so tingnan na lamang po natin kung anong susunod na magaganap,” aniya pa rin.
At sakali man aniya na magbitiw si Romualdez bilang House Speaker para maging malaya ang pag-iimbestiga lalo pa’t nababanggit nga ang kaniyang pangalan, tiniyak ni Castro na magiging maayos ito at katanggap-tanggap kung ang kaniyang dahilan po ay para maisalba rin ang integridad ng institusyon at para nga sa isang malayang pag-iimbestiga.
Samantala, magbitiw man si Romualdez o hindi bilang House Speaker ay maaari pa rin siyang maimbestigahan.
“Of course, kaya nga iyon ang mangyayari kung mag-ri-resign siya at kahit naman hindi siya mag-resign. At kung masasangkot man ang kaniyang pangalan at may mapapakitang ebidensiya laban sa kaniya, mas magandang ito ay kaniyang depensahan sa pamamagitan ng mga records na maaari niyang ipakita. Mag-resign/hindi siya mag-resign, maaari pa rin siyang maimbestigahan,” ani Castro. Kris Jose