MANILA, Philippines – Hinimok ni Marikina City 2nd district Rep. Miro Quimbo ang Department of Budget and Management (DBM) na magpatibay ng full disclosure policy sa panukalang P6.793-trillion national budget para sa 2026.
Sinabi ni Quimbo na ang mga mambabatas na nag-endorso ng mga naturang insertion para sa mga proyekto ay dapat na pangalanan sa panukalang badyet gaya ng ginagawa sa Estados Unidos.
“Let’s stop the finger-pointing and confusion. If a congressman or senator proposes a project, put their name on it. Like in the US, earmarks are transparent. Lawmakers must own and defend their insertions before the public,” aniya.
Sinabi ito ng Marikina solon noong Miyerkules ng gabi, Setyembre 17 sa budget hearing ng Committee on Appropriations kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH)–ang ahensyang may pinakamaraming pinagtatalunang pondo sa ilalim ng P6.793-trillion National Expenditure Program (NEP).
Sinuportahan naman ni DPWH Secretary Vince Dizon ang panukala, at sinabing naaayon ito sa pagtulak ng administrasyon para sa higit na pananagutan.
“We absolutely agree with the recommendations of [Rep. Quimbo]. Tama po iyan at tingin ko iyan din ang gusto ng ating Pangulo,” saad ni Dizon.
Ipinagpaliban ng appropriations panel ang budget hearing ng DPWH noong Setyembre 5 para bigyang-daan ang kumpletong overhaul ng P881-bilyong budget ng ahensya sa susunod na taon. Ito ay dahil ang badyet ng DPWH sa ilalim ng 2026 NEP na inihanda ng DBM ay puno ng mga kuwestiyonableng insertion pagdating sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Nauna nang sumang-ayon si Dizon sa opinyon ng mga pinuno ng Kamara na napakaraming hindi katanggap-tanggap na mga entry sa paggastos ng DPWH.
Ngunit ang mga pinuno ng Kamara ay nag-claim na ang ilan sa mga entry ay hindi man lang ginawa ng mga mambabatas – sila ay inilagay sa NEP sa simula pa lang, ibig sabihin, sila ay nagmula sa executive branch at hindi sa lehislatura.
Ibinunyag ni Quimbo na ang kanyang distrito ay tatanggap ng P486 milyon sa ilalim ng DPWH budget, na tinatantya niyang kabilang sa pinakamababang 20 porsiyento ng mga distritong kongreso. Gayunpaman, sinabi niyang handa siyang ipagtanggol ang alokasyon.
“I accept the decision. My job is to fight for Marikina and defend what we receive before my people. Every lawmaker should do the same,” aniya. RNT/MND