Home NATIONWIDE Paglaban sa fake news pinaigting ng PCO

Paglaban sa fake news pinaigting ng PCO

1
0

MANILA, Philippines – PINAIGTING pa ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagsisikap nito laban sa pagpapakalat ng maling impormasyon at hinikayat ang mga mamamahayag na patuloy na maghatid ng tamang impormasyon sa publiko.

Sa isang press briefing sa Cagayan de Oro City, binigyang-diin ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa maling impormasyon upang mapigilan ang pagkalat nito at maiwasan ang kalituhan sa publiko.

“Ang paglaban sa fake news ay hindi iyong hindi pinapansin. Hindi na oras ngayon na binabalewala natin ang mga fake news dahil kapag hindi natin ito nasagot agad, kumakalat siya at iisipin ng mga inosente nating mga kababayan na totoo dahil walang nagri-refute, walang kumakalaban, walang nagpapasinungaling,” ayon kay Castro.

Sinabi pa ni Castro na hindi lamang ang pamahalaan ang naaapektuhan ng paglaganap ng fake news kundi maging ang mga lehitimong media organization at ang mga tamang pagbabalita ay natatabunan ng mapanlinlang na mga impormasyon.

“Hindi lang ang gobyerno ang nagkakaroon ng problema sa paglaganap ng fake news. Pati tayo, lahat tayo sa mainstream media. Nagiging sanhi rin po ito ng problema kasi mas natatabunan ng fake news ang kadalasang totoong mga pagbabalita na ginagawa ng mainstream media,” dagdag ni Castro.

Hinimok naman ng opisyal ang mga mamamahayag na tiyaking tama at nasa wastong konteksto ang mga ibinabalita upang hindi maligaw ang publiko o magdulot ng kalituhan.

Ayon kay Castro, mayroong anti-fake news desk ang PCO na sumusubaybay sa mga mapanlinlang na ulat at tumutukoy sa mga kasong maaaring maging batayan ng paghahain ng reklamo.

Gayunman, kinikilala rin ng tanggapan ang mga lehitimong puna at alalahaning inihahayag laban sa pamahalaan.

Binigyang-diin niya ang pagkakaiba ng lehitimong pagpuna at ng sadyang paglikha at pagpapakalat ng maling impormasyon na naglalayong siraan ang mga indibidwal o institusyon.

Dagdag pa ng opisyal, agad na nililinaw ng PCO ang mga maling impormasyong kumakalat sa social media sa pamamagitan ng mga press briefing upang mapigilan ang pagkalat ng fake news.

Tiniyak ni Castro na patuloy na paiigtingin ng PCO ang mga hakbang nito laban sa fake news, kasabay ng pakikipagtulungan sa media upang maisulong ang tumpak at responsableng pagbabalita. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here