HINDI na napigilan ang transport strike na ginawa ng iba’t ibang grupo ng transport sector mula nitong Setyembre 17 hanggang ngayong araw o Setyembre 19.
Para sa inyong lingkod, ang founder at presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, hindi natin masisi ang mga miyembro nitong transport sector sapagkat ang “tigil pasada” lang kanilang paraan upang mailabas ang kanilang damdamin kaugnay sa nalantad na malawakang anomalya ng “ghost flood control projects” at iba pang uri ng korapsyon.
Maraming commuters o pasahero ang mahihirapan sa tigil pasada ng mga transport group na nagsagawa ng protesta, maraming posibleng ma-late sa trabaho at maraming posibleng pagtatalo o away sa agawan o unahang makasakay.
Pero aminin man o hindi ng pamahalaan, hindi maitatanggi na hamak na mas hirap ang mga pasahero at maging ang mga motorista kapag baha sa konting ulan lang. O, di ba mas malaking perwisyo ang ibinibigay ng ghost, unfinished at substandard flood control projects?
Sa Setyembre 21, lalahok din ang transport sector sa malawakang kilos protesta at handa ang mga itong magbigay ng libreng sakay sa mga magtutungo sa alinmang rally – Luneta o Edsa.
Ang LCSP ay nakasuporta sa aksyon o hakbangin ng mga grupo ng driver, operator at mga katulad ng mga ito. At sana ang commuters ay sumuporta rin sa laban ng transport sector sa katiwalian.
Panawagan na rin ng LCSP sa pamahalaan na huwag pagmultahin, o parusahan ang mga lumahok sa tigil pasada at makikiisa sa protest rally sa Linggo. Isipin na lang na karapatan ng mga miyembro ng transport sector ang kanilang ipinaglalaban.
Ang mga sangkot sa korapsyon na opisyal ng pamahalaan hanggang ngayon ay hindi pa nakakasuhan o maparurusahan samantalang ang karaniwang driver kapag lumabas sa traffic violation mabilis na pinatawan ng parusa. Ang liit ng kita ng mga ito kaya ang ipinantutubos sa ticket sa violation ay iniaagaw pa sa gastusin o pagkain ng kanyang pamilya.
Ang mga magnanakaw sa Senado, House of Representatives at iba pang ahensya ng gobyerno ay bilyon-bilyon ang ninakaw sa kaban ng bayan pero ngayon ay nasa nagtatawanan lang at ang iba’y nangibang bansa na. Asan ang hustisya?
Teka lang, naibigay na ba sa transport sector ang kanilang ayuda sa porma ng fuel subsidy? Mukhang hindi pa naibibigay. Hindi kaya naibulsa?






