Home OPINION MAMAMAYAN HATI SA SETYEMBRE 21

MAMAMAYAN HATI SA SETYEMBRE 21

274
0

MALAMANG kaysa hindi na matutuloy ang mga malakihang rally laban sa korapsyon at pandarambong na gaganapin sa Setyembre 21, 2025 o sa darating na Linggo.

Kaya lamang, malinaw na hati ang taumbayan dito.

“Yun bang === may magra-rally sa Edsa Shrine at mayroon naman sa Luneta.

Sa Edsa shrine, mamumuno ang ilang obispo ng Simbahang Katolika at protestante at sasali rito ang iba’t ibang eskwelahang Katoliko, kaparian, negosyante at iba pa.

Sa Luneta, inorganisa ito ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (Tama Na).

Sasali naman dito ang Iglesia ni Cristo at Aglipayan Church, Makabayan, estudyante at propesor ng University of the Philippines at La Salle University, environmentalists group at Manibela na samahan ng mga tsuper na nangakong maghahatid-sundo ng mga raliyesta.

Matapos nito, susugod sila sa Mendiola.

Hindi naman malinaw kung kaninong grupo sasali…kung sasali man sila…ang mga ex-general na sundalo o pulis.

Ngunit nagrali ang mga ito sa Kamara hanggang sa abutan sila ng pagre-resign ni House Speaker Martin Romualdez at pumunta rin sila sa Camp Aguinaldo para hilingin ang suporta ng militar para sa mga mamamayan na lumalaban sa mga korap at mandarambong.

Tiyak ding may mga lalahok na politiko mula sa Senado at Kamara subalit malalaman pa kung kanino sila grupo dadalo.

Iba pa ang mga rally na gaganapin sa Davao, Cebu, Tagbilaran, General Santos, Laoag, San Fernando, Bacolod, Iloilo, Tuguegarao, Santiago and Baguio.

RESIGNASYON AT PAGSIBAK

May isa nang pinabagsak sa mataas na puwesto ang mga rally na konektado sa mismong anunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos na talamak ang korapsyon o pagbulsa ng salaping bayan, kasama ang mga utang ng bansa, at ng paglabas ng katotohanan sa korapsyon sa mga imbestigasyon lalo na sa Senado.

Si Speaker Romualdez iyon na nagbitiw kahapon bagama’t nanindigan itong wala siyang kinalaman sa korapsyon at pandarambong at ang kanyang mga kaalyado ang nagngunguso kay Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co na magpaliwanag.

Meron na ring maliliit gaya ng mga engineer na sinibak sa Department of Public Works and Highways.

Kung pakikinggan ang mga anunsyo ng mga magkahiwalay na grupo, gusto nilang may hindi lang mag-resign sa puwesto at masibak sa empleyo kundi makulong na matataas na opisyal ng gobyerno.

MARTIAL LAW HANGGANG PEOPLE POWER

Noong Setyembre 21, 1972, idineklara ang martial law ni ex-President Ferdinand Marcos Sr. na pinagharian ng mga crony ng Pangulo at mga taga-Palasyo sa kalaunan at kinulimbat ang yaman ng bansa hanggang sa mabangkarote ang gobyerno at malubog ito sa utang, bukod sa pagiging malupit sa taumbayan, lalo na sa mga kumilos laban kay Marcos.

Noong Pebrero 1986, nag-alsa ang mga mamamayan sa EDSA nagtagumpay silang bumuo ng bagong pamahalaang.

Ngayon naman, buhay pa ang marami sa mga sumali sa laban sa martial law noon at para sa Edsa People Power 1986 at sumasali pa rin sa mga rally ngayon.

Tanong lang: Ang September 21, 2025 rally, may halo bang 1986 Edsa Revolt o hanggang pagkondena lang sa korapsyon at pandarambong at pagpapakulong lang ng mga korap at mandarambong?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here