MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na makikipag-usap siya kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa posibilidad nang pagpayag kay dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez na lumabas upang maghanap ng mas marami pang ebidensya laban sa mga idinidiin sa maanomalyang flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Huwebes, Setyembre 18, nagtanong si Hernandez kung maaari bang alisin ang contempt order laban sa kanya upang makahanap siya ng mas marami pang ebidensya na magpapatunay na mayroong iba pang high-ranking offiials ang sangkot sa anomalya.
Tinanggihan naman ni Lacson, chairman ng komite, ang hiling ng engineer at sinabing hindi ito patas sa iba pang indibidwal na naka-cite in contempt.
“Unang pumasok sa isip ko, baka mamaya hindi na siya bumalik maski may escort, baka masalisi niya. Pero on second thought, puwede sigurong payagan ‘yun kung talagang hinahanap natin ang katotohanan,” ayon sa senador.
“So pag-uusapan namin ni Senate President kung pwede siyang under escort, bumalik sa kanyang lugar sa Bulacan o kung saan man ang bahay niya, pero talagang 24/7 babantayan siya or limited ‘yung time na pwede siyang umuwi. Dahil maghahanap daw ng mga katibayan, mga resibo pa. Pwede i-consider ‘yun actually,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Lacson na maaaring mayroon pang ibang bank account o asset si Hernandez na hindi sakop ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na maaaring magamit sa imbestigasyon sa flood control mess.
Matatandaan na nauna nang itinuro ni Hernandez, dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects.
Kapwa itinanggi naman ng dalawang senador ang akusasyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na hindi pa rin lusot sina Villanueva at Estrada sa isyu ng budget insertions sangkot ang infrastructure projects sa Bulacan na nagkakahalaga ng P600 milyon at P355 milyon.
“By any measure, Senators Villanueva and Estrada have not been cleared, at least on the issue of budget insertions involving infrastructure projects in Bulacan worth P600M and P355M respectively, as alleged by Engr Brice Hernandez,” ani Lacson. RNT/JGC