Nanawagan si dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa mga student leader at kabataang mag-aaral na “tumayo” upang labanan ang korapsyon sa usaping flood control projects sa pamamagitan ng pangunguna sa mga protesta.
Sa pressconference sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City, iminungkahi ni Singson na iboykot ng mga mag-aaral ang kanilang mga klase hanggang hindi bumababa sa posisyon ang mga korap na opisyal, kabilang na si Pangulong Marcos.
Ayon kay Singson, bulok na ang administrasyong Marcos at ang mga kabataan lamang ang makapagbabago nito.
Nanawagan din siya kay Marcos at sa mga korap na opisyal ng gobyerno na mag-resign alang-alang sa kinabukasan ng kabataan.
Ani Chavit, hindi matitigil ang garapal na kurakutan sa bansa na sumabog sa mga nabunyag na trilyong flood control anomaly hanggang nananatili ang mga kurakot na mambabatas.
Nais niya na ang mga kabataang hindi nagpapagamit sa ilang grupong pulitikal ang dapat na manguna sa isang malawakang rebolusyon laban sa korapsyon sa gobyerno.
“Kayo ang kinabukasan ng bansang ito. Nasa inyong mga kamay nakasalalay ang inyong kinabukasan. Wala nang mangyayari sa kasalukuyang gobyernong ito, nabubulok na,” ang hamon ni Chavit sa mga kabataang mag-aaral.
Nakiusap din siya sa mga lider ng simbahan, sa mga pinuno ng militar, pulisya at mga magulang na hayaan ang mga kabataan na magpasimula ng mapayapang rebolusyon laban sa kurakutan.
Sinabi ni Chavit na hindi siya pabor sa mga rally na magpapasimuno ng kaguluhan sa bansa, ngunit kung ang mga kabataan ang magpapasimuno ng rebolusyon kontra pandarambong ay susuportahan niya ito. NATS TABOY