MANILA, Philippines – Nakatanggap ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ng halos P100, 000 donasyon mula sa ALPAS Group para palakasin ang mental health at emotional support programs para sa mga mamamahayag.
Ibinigay ang donasyon noong Oktubre 23, kasabay ng Mental Health Awareness Month, upang gawing mas accessible ang mental health support lalo na sa mga journalist na nagko-cover ng traumatic events o nakararanas ng banta at harassment sa trabaho.
Ayon kay ALPAS Co-Founder at CEO Marzie Marzan, bahagi ito ng pagpapahalaga ng grupo sa mental well-being hindi lang sa workplace kundi pati sa kanilang media partners.
“The pressure to continue reporting on violence, calamities, disasters, and similar life-threatening events while dealing with tight deadlines can take a toll on a journalist’s mental and emotional well-being,” pahayag ng NUJP.
Sinabi ng NUJP na gagamitin ang kontribusyon para palakasin ang kanilang media safety office at ang Peer Support for Journalists Program — isang inisyatibo na naglalayong magbigay ng kaalaman sa psychological impact ng trabaho sa media at bumuo ng network ng trained peer supporters sa hanay ng mga mamamahayag.
Noong Disyembre 2025, inilunsad din ng ALPAS Group ang ALPASasandalan Program na nagbibigay ng financial support para sa mental health resources ng media partners.
“We will continue to do our part in supporting the people behind the stories, including helping address their mental and emotional well-being,” ani ALPAS Co-Founder at Chief Strategy Officer Atty. Carlo Escalada. Jocelyn Tabangcura-Domenden