Home NATIONWIDE P241B ayuda, 3,950 itatayong multi-purpose bldg pinalagan ni Lacson: ‘Di makakatulong sa...

P241B ayuda, 3,950 itatayong multi-purpose bldg pinalagan ni Lacson: ‘Di makakatulong sa ekonomiya’

1
0

MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo, Nobyembre 22, ang hindi bababa sa P241 bilyong “fragmented ayuda” sa panukalang 2027 budget bilang patronage o “papogi” spending, na hindi maituturing na produktibong pamumuhunan na kailangan upang makatulong na buhayin ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sinita rin ni Lacson ang mga alokasyon para sa 3,950 multi-purpose building (MPB), na hiwalay sa 1,584 MPB na saklaw ng Financial Assistance to Local Government Units (LGU) ng Local Government Support Fund (LGSF) subprogram mula 2022 hanggang 2026, sabay diin na hindi ito makatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya.

Ani Lacson sa isang post sa X, ang P241 bilyong pira-pirasong ayuda ay nakapaloob sa bersiyon ng Senado ng panukalang 2027 budget, na “nabawasan” na mula sa P263 bilyong halaga ng mga ayuda sa bersiyon ng Kamara.

“True. Government construction plunged by -29% as shown by the January-September 2026 national accounts. Agriculture, forestry and fishing: -4.8%; industry: flat; investment: public construction down 15.1% as you mentioned,” aniya.

“In relation to the 2027 budget measure which the Senate will tackle next week, I will insist that these concerns cannot be addressed by the P241B in fragmented ‘ayudas’ in the Senate version – already reduced from the House GAB’s P263B; and 3,950 multi-purpose buildings, on top of another 1,584 MPB’s under the LGSF-Financial Assistance to LGU sub program.

These are not expenditure investments, but patronage aka ‘papogi’ spending,” dagdag niya.

Noong weekend, tinukoy rin ni Lacson ang maraming alokasyon para sa mga “ghost” MPB, gayundin sa mga programa ng ayuda at iskolarsip na “Tulong Dunong” sa panukalang badyet, na pawang nagpapakita aniya ng patronage politics.

Sinabi niyang marami sa mga MPB ang “more patronage than investment,” at binanggit ang hindi bababa sa isang kaso kung saan nabigyan na ng alokasyon ang isang MPB mula pa noong 2024 at maaari na naman itong pondohan sa 2027 budget bill kahit hindi pa naitatayo.

“Mayroong mga hindi lamang double, triple, kundi quadruple appropriations. Nakunan namin ito ng drone shots, at ipapakita ko ito sa aking interpellation sa Monday sa aming general principles,” aniya sa panayam sa BNC Sabado ng gabi.

Batay sa paunang pagsusuri niya at ng kanyang staff sa panukalang 2027 budget, sinabi ni Lacson na may ilang MPB na nakatanggap na ng mga alokasyon sa mga nakaraang taon, kabilang ang 2024, 2025 at 2026, ngunit wala pa ring naitayong gusali sa mga itinakdang lugar hanggang 2026.

“Pagkatapos popondohan na naman ng 2027, katakot-takot, at sabi ko nga, quadruple na ipinondo. Pero wala ka mang makita doon sa pagtitirikan ng multipurpose building hanggang sa ngayon. So saan napunta yung pera?” aniya.

Binigyang-diin ni Lacson na dapat unahin sa 2027 budget ang mga gastusing makatutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya. Lumago lamang ng 2.1 porsiyento ang Gross Domestic Product (GDP) sa ikatlong quarter ng 2026, mula sa 2.4 porsiyento noong ikalawang quarter, habang umabot sa pinakamataas na antas sa loob ng tatlong taon ang inflation sa 7.8 porsiyento noong Oktubre 2026, mula sa 7.2 porsiyento noong Setyembre.

Kinuwestiyon niya ang pakinabang sa ekonomiya ng patuloy na paggastos para sa mga MPB, at binanggit na mahigit P770 bilyon na ang nagastos ng pamahalaan para sa halos 79,000 ganitong gusali sa pamamagitan ng iba’t ibang General Appropriations Acts sa nakalipas na 10 taon.

“Binabahagi namin ito na dapat ibahin natin yung ating priorities. Kasi yung government investment spending natin, nag-negative tayo. Ito yung humahatak pababa sa ating economy… So kailangan i-redirect natin yung, bigyan natin ng bagong direksyon yung ating 2027 GAA para makarecover tayo dito sa ating economic slump,” diin ng mambabatas.

Samantala, tinukoy rin ni Lacson ang ilang programa ng ayuda sa panukalang badyet, kabilang ang Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Binanggit din niya na may mga alokasyon sa panukalang badyet para sa programang Tulong Dunong, kung saan basta na lamang namimigay ng mga iskolarsip ang mga mambabatas.

Noong nakaraang taon, itinulak ni Lacson ang pagtanggal sa P2.727 bilyon para sa programang Tulong Dunong sa 2026 budget bill—kung saan basta na lamang namimigay ng mga iskolarsip ang mga mambabatas—at ang paglilipat ng pondo nito sa Tertiary Education Subsidy (TES) na pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED). Iminungkahi rin niyang alisin ang Tulong Dunong sa 2022 budget bill noong 2021.

“Bakit may Tulong Dunong pa tayo? Ito naman ay puro politiko lamang ang nagpapadala ng mga scholar, na meron naman tayong free tertiary na,” aniya.

Sinabi rin ni Lacson na sa halip na sa MAIFIP ilaan ang pondo, dapat itong idaan sa Universal Health Care program na inaatas na ng batas.

Binanggit niya na umaabot sa 50 porsiyento ang medical inflation, batay sa mga pahayag ng ilang grupong nagsusulong ng transparency sa badyet na dumalo sa pagdinig ng Senate Finance Committee noong Oktubre 26. Dahil dito, lalo aniyang mahalagang matiyak na napupunta ang tulong medikal sa mga higit na nangangailangan nito.

“Ang medical inflation nito, nasa mga 50%. Malaki-laki. Hindi talaga natin punta doon sa dapat pag-ukulan ng medical assistance,” dagdag niya.

“Again, patronage ito. Kung sino yung nakakakilala. Hindi ito needs-based. Parang sponsor, kung merong padrino, yun ang nakakakuha, maski hindi sila qualified or deserving,” diin ni Lacson. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here