MANILA, Philippines – Tinintahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12290, magtatatag sa Virology and Vaccine Institute of the Philippines (VIP).
Nakatutok ang VIP sa pag-aaral ng mga ‘virus, pathogen, at vaccine development’ para palakasin ang health security ng bansa.
Nilagdaan ng Pangulo noong nakaraang Setyembre 12, inaatasan ng batas ang VIP na magsagawa ng vaccine research—mula sa pagtuklas hanggang sa preclinical phases—at mag- develop ng diagnostics at therapeutics para sa umuusbong at muling uusbong na infectious diseases.
Idagdag pa rito, magsasagawa ang institute ng discovery programs sa virology, molecular biology, at bioinformatics.
Dapat din itong bumuo ng partnership sa local at international research institutions, mag-invest sa advanced virology infrastructure, at sanayin ang mga eksperto.
Sa kabilang dako, ang VIP ay pamumunuan ng director, may mandato na magsumite ng report ng resulta ng ‘research at development studies’ sa VIP Board, tatayong chairman ang Kalihim ng Department of Science and Technology at ang magiging co-chair ay ang mga Kalihim ng Department of Health at Department of Agriculture.
Magsusumite naman ang VIP ng taunang report sa pangulo at sa mga komite ng Agham at Teknolohiya , kapuwa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, hindi lalampas sa Marso 30, taun-taon.
Pananatilihin naman ng Research Institute for Tropical Medicine ang kasalukuyang tungkulin nito sa ilalim ng health department habang mahigpit na nakikipagtulungan sa VIP, ang nakasaad sa batas.
Samantala, ang kopya ng batas ay hindi na nailalathala sa Official Gazette. (KRIS JOSE)