MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, lumalabas sa imbestigasyon na ang “mas malalaking anomalya” sa flood control projects ay nagsimula pa noong administrasyong Duterte mula 2016 hanggang 2022.
“Ang catalyst dito yung nabuko sa Marcos administration… mas matindi pala at doon pala nagsimula ang malalaki doon sa 2016 to 2022,” ani Sotto, sabay banggit sa mga kontraktor na sina Pacifico at Cezarah Discaya na patuloy na kumita nang malaki kahit noong pandemya.
Si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, namumuno sa Blue Ribbon inquiry, ay nagsabing ramdam niya ang galit ng taumbayan at tiniyak na hahabulin ang mas malalaking opisyal.
“There is no other way to go but to ensure a logical conclusion,” aniya, sabay pangakong susuportahan ang Independent Commission for Infrastructure.
Aminado si Sotto na may mananamantala sa isyu ngunit naniniwalang nakikita ng publiko ang mas malaking larawan. Kapwa sila umaasang magiging mapayapa ang mga protesta laban sa korapsyon ngayong Setyembre 21. RNT