Home HOME BANNER STORY Malakanyang sa naghahanap sa Pangulo: PBBM naka-monitor

Malakanyang sa naghahanap sa Pangulo: PBBM naka-monitor

305
0

MANILA, Philippines – NAKA-MONITOR umano ngayon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa magiging kaganapan sa rally laban sa korapsyon ngayong Sabado, Setyembre 21.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naka-monitor ang Pangulo dahil kailangan din ng peace and order, at kinakailangang maging matiwasay ang pagpoprotesta.

“So asahan niyo po na ang Pangulo ay nandidiyan. Kaya nga po hindi niya tinuloy ang kanyang pagbibiyahe para malaman din niya at madinig niya kung ano ang tunay na hinaing ng taong-bayan,” ayon kay Castro.

At katulad aniya ng sinabi ng Pangulo, ang malayang pagpapahayag ng damdamin ay hindi hahadlangan ng Pangulo. Dagdag pa ni Castro, sinabi noon ng Pangulo na, “kung siya ay hindi naging presidente at hindi siya presidente ngayon, malamang nasa kalsada rin siya upang ipahayag ang kanyang pagkadismaya sa malawakang pang-aabuso sa pondo ng bayan.”

“So ang nais lamang ng Pangulo ay ‘wag lumabag sa batas. At kung ano mang gagawin nilang pagpo-protesta ay sana ay naaayon sa batas,” aniya pa.

Sa tanong naman kung maaaring sumama ang mga empleyado ng gobyerno sa rally, sinabi ni Castro: “Sa ngayon, mas okay sana na ‘wag na silang lumabas kasi kung makaka-cause sila ng kung anumang traffic or what. Pero kung sila ay magpapahayag ng kanilang damdamin, hindi dapat ito kokontra kung ano yung minimithi ng gobyerno.”

Sa kabilang dako, inamin ni Castro na kinakatakutan ng iba at pinapangambahan na gamitin ang lehitimong adhikain ng mga tao sa rally para masawata ang korapsyon ng mga grupong may pang-personal na agenda.

“Maging mapagmatyag lang ang mga tao rin mismo at ang mga kapulisan natin,” ani Castro.

“Kung sila man ay magpapahayag ng personal agenda, huwag lang, muli, huwag lang silang lalabag sa batas,” dagdag pa nito.

At nang hingan ng reaksyon sa ulat na may mga taong nais papanagutin ang Pangulo sa usapin ng flood control mess, tugon ni Castro: “Unang-una, anong klaseng pagpapanagot ang gusto nila? Unang-una, ang Pangulo, baka kinakalimutan nila, ang Pangulo mismo ang nagpasimula ng pag-iimbestiga na ito dahil nakita niya ang dulot ng mga maanomalyang flood control projects noong nakaraang ilang buwan—dahil sa dalawang bagyo at isang habagat.”

“Sabi nga nila eh mukhang divine intervention ito para mamulat talaga tayo. So ano ang gusto nilang ipagpanagot sa Pangulo? Siya mismo ang nagpapa-imbestiga rito? Bakit hindi nila isipin kung ano ba ang mga nangyari noong mga nakaraang panahon? Diba? Walang pag-iimbestiga noon kahit may ghost projects,” aniya pa.

“So, tutok lamang tayo sa totoong mga pangyayari sa ngayon. Tutukan natin kung sino talaga ang dapat managot, at huwag mag-evade sa liability,” dagdag pa ni Castro.

Samantala, nanawagan ang Malacañang sa sambayanan na lalahok sa rally ngayong araw na gawing mapayapa ang pagpapahayag ng kanilang saloobin at huwag lumabag sa batas dahil may obligasyon din ang lahat na sumunod dito.

“Unang-una po, muli, sasabihin natin, tayo po, lahat po ng mga kababayan natin, malaya po kayong magpahayag ng inyong saloobin. Ang karapatan po ninyo ay hindi po ‘yan iba-violate ng Pangulo, ng gobyerno,” ayon kay Castro.

“Ang human rights ay talagang pinapahalagahan po ng Pangulo kaya po kayo ay malaya sa inyong pagpapahayag. Huwag lamang pong aabuso o lalabag sa batas kasi nandiyan din po—kung meron po kayong karapatang pantao, meron din po kayong obligasyon para sundin kung ano yung batas,” dagdag pa niya.

(Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here